Isu-subpoena ng House Committee on Good Government ang mga opisyales ng Development Bank of the Philippines (DBP) at iba pang government owned and controlled corporations (GOCC) na mabibigong dumalo sa pagdinig ng kinukuwestyong sweldo at allowances mula sa kani-kanilang tanggapan.
Ito ang babala ni Iloilo City Rep Jerry Trenas, chairman ng House committee on good government, kina Edgardo Garcia at Benedicto Ernesto Bitonio, chief operating officer at executive vice president ng DBP, ayon sa pagkakasunod, matapos nilang hindi siputin ang pagdinig sa Kamara, at nagdahilang may nauna na silang dinaluhang opisyal na pagpupulong.
Sinabi ni Trenas na binastos umano ng dalawang opisyal ang Kongreso sa hindi pagsipot kaya padadalhan sila ng subpoena sa susunod na pagdinig.
Sa ilalim ng House rules, ang mga personalidad na sangkot sa pagdinig ay dapat na dumalo at sumagot sa mga pagkwestyon ng mga mambabatas.
Ang pagkabigong makadalo sa pagdinig ay mangangahulugan ng pagpapadala ng subpoena, at sasampahan sila ng contempt upang arestuhin ng House Sergeant-at-Arms sakaling patuloy nila itong babalewalain.
Kasalukuyang iniimbestigan sa Kamara ang ulat ng maanomalyang sweldo at allowances ng mga naglilingkod sa mga government owned and controlled corporation (GOCC). “Mas malaki pa ang sweldo nila kesa sa presidente ng Pilipinas.
Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na si Garcia ay tumatanggap ng P5 milyon kada taon, samantalang si Bitonio naman ay sumasahod ng P4.5 milyon kada taon na ayon kay Rodriguez ay lubhang napakalaki.
Ang mga sweldo nina Garcia at Bitonio ay umaabot sa P416,000 at P300,000 kada buwan kumpara sa sweldo ni Pangulong Aquino na P1.1 milyon lamang bawat taon o P95,000 kada buwan.