Wednesday, October 20, 2010

Update hinggil sa epekto ni “Juan”

Nanawagan ngayon ang mga mambabatas mula sa Northern Luzon sa pamahalaan na bigyan sila ng tulong dahil na rin sa matinding epektong dala ng bagyong “Juan” na sumalanta sa kanilang lalawigan nitong Lunes.

Ayon kay Isabela Rep Rodolfo Albano, Sr. nangangailangan ngayon ng mga relief goods ang mga mamamayan sa kanyang distrito.

Kailangan umano nila ng pagkain, mga gamit sa pagtatayo ng bahay dahil maraming pamilya ang nasiraan at nawalan ng bahay dahil kay “Juan.”

Nauna na rito, nanawagan na rin si Isabela Gov Faustino Dy III na bigyan sila ng tulong sa sektor ng agrikultura dahil mahigit sa 89,000 ektarya ng lupain na pinagtamnan ng palay at 11,000 ektarya ng pananim na mais ay nasira dahil hindi pa ito naaani nang dumating si “Juan” sa Northern Luzon.

Ayon naman kay Nueva Vizcaya Rep Carlos Padilla, sa kasalukuyan ay tinitingnan pa ng mga otoridad sa kanyang lalawigan ang laki ng epekto at mga nasirang pananim sa kanilang lugar.

Aniya maaaring hindi man kasing laki ng halaga ng nasira sa Isabela at Cagayan ngunit hindi pa rin ito maaaring ipagwalang bahala dahil kabuhayan ng kanyang mga kadistrito ang nakasalalay dito.