Pinuri ni Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez ang Kataastaasang Hukuman sa kautusang ipinalabas nito sa Commission on Election (COMELEC) para ibunyag ang source code na iniingatan ng komisyon upang malinis na ang mga usapin sa dayaan sa nakaraang halalan.
Sinabi ni Rodriguez na makabubuti sa bansa ang kautusan ng hukuman na iginiit ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), na nagsusulong para ibunyag ng COMELEC ang source code ng automated election system (AES), matapos nilang ihain ang petisyon, na kagyat na dinesisyunan ni Associate Justice Roberto Abad sa isang court en banc.
Ayon kay COMELEC Commissioner Nicodemus Ferrer sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House committee on appropriations, susundin ng COMELEC ang kautusan ng Supreme Court na ibunyag ang source code sa ibat-ibang partido pulitikal o grupo na opisyal na humuhingi nito, subalit magpapalabas muna sila ng mga patakaran upang mapangalagaan ang seguridad ng source code at hindi ito magamit sa katiwalian.
Matatandaang aminado ang COMELEC sa ilang napaulat na pagkakamali sa naging resulta ng automated elections subalit hindi naman anila ito malawakan.
Ayon pa kay Ferrer, magpapairal ng patakaran ang COMELEC sa mga nagnanais na humingi ng source code upang hindi ito magamit sa katiwalaian o panloloko dahil maraming nakabinbing protesta sa resulta ng halalan at dapat ay hindi maging sanhi ito upang mapawalang saysay at kawalang tiwala ang mga susunod pang automated elections.
Batay sa Section 12 ng Republic Act 9369, kapag ginamit sa halalan ang teknolohiya ng automated elections, ang COMELEC ang mangangalaga sa sistema at seguridad nito, sa pamamagitan ng paggamit ng source code na ihahayag lamang sa mga opisyal na partido politikal o grupo para sa kanilang sariling pag-aanalisa sa resulta ng halalan.