Thursday, October 14, 2010

Polusyong sanhi ng plastic, susugpuin

Sinabi ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara na mahalaga umano ang mga plastic bag at marami ang pakinabang ng tao rito ngunit kung subukan itong isaklob sa ulo at ibuhol sa leeg ng walang makakapasok na hangin, natitiyak umanong sa loob lamang ng 15 minuto ay wala nang buhay ang tao kapag hindi ito kusang tinanggal at ito daw ang nangyayari sa mga daluyan ng tubig at ilog sa buong Kamaynilaan.

Tayo mismo, ayon kay Angara, ang pumapatay sa ating mga sarili dahil kapag hindi nakadaloy ang tubig sanhi ng mga bara ay malalim na baha ang igaganti ng kalikasan sa atin. Ang tanging dahilan lamang ng pagbabara ng ating mga ilog ay ang walang pakundangang pagtatapon ng basura na karamihan dito ay plastic at ang tanging paraan lamang na nakikita niya ay tanggalin angmga ito upang dumaloy ang tubig.

Dahil dito, inihain niya ang HB00496 o Plastic Bag Recycling Act of 2010, HB00501 o Stores Proactive in Plastic Bag Recycling Act of 2010, at HB03452 o ang Environmental Levy Act na naglalayong bawasan ang paggamit ng plastic, paghikayat sa paggamit ng mga alternatibong sisidlan tulad ng papel, canvas at tela at gumawa ng sistema kung papaano itatapon, iipunin at ire-recycle ang mga plastic para sa kapakanan ng kalikasan.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay sinalanta ng bagyong Ondoy ang bansa na nagpalubog sa halos buong Kamaynilaan dahil sa mga baradong daluyan ng tubig.

Nang humupa ang baha ay tumambad sa sambayanan ang sangkaterbang basura, plastic at putik na nakabara sa mga daluyan ng tubig at ilog.

Ang kalamidad ay kumitil ng maraming buhay at sumira ng bilyong halaga ng mga ari-arian at kabuhayan.

Layunin ng panukala na mabawasan ang walang humpay na paggamit ng plastic bags na pangunahing sanhi ng pagbabaha kung saan ay malawakan itong ginagamit sa bansa.

Karamihan daw dito ay sando bags, shampoo sachets, maliliit na plastic na sisidlan at mga botelyang gawa sa plastic, at karamihan nito ay non-biodegrable.

Bukod sa hindi ito nabubulok ay nagsasangkap din ito ng lason at kemikal na maaaring napapahalo sa ating pagkain ng hindi natin nalalaman.

Layon din nito na magpatupad ng mga pamamaraan kung papaano ito maire-recycle sa mura at epektibong paraan at paghihimok sa mga tindahan sa wastong pagtatapon, pag-iipon at paggamit ng mga alternatibong sisidlan na maaaring gamiting muli.