Thursday, October 07, 2010

Panukala hinggil sa cyber crime, inihain

Dahil sa sunud-sunod na napapabalitang mga krimen na kinasasangkutan ng internet, nanawagan ngayon si dating pangulo at Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo sa Kamara na agad aksiyunan ang kanyang panukalang naglalayong protekhan ang bawat mamamayan laban sa mga malisyosong pag-atake gamit ang cyberspace.

Inihain ni Macapagal-Arroyo ang HB00383 kung saan co-author ang kanyang anak na si Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo na naglalayong gawing krimen ang paggamit ng Internet upang gumawa ng mga iligal na gawain.

Ayon kay Macapagal-Arroyo, nakakaalarma na ang patuloy na pagdami ng krimen gamit ang Internet dahil ang internet ay umaabot sa iba’t-ibang lugar at bansa sa buong mundo.

Dahil sa pagkalat umano ng mga taong ginagamit ang internet upang gumawa ng iligal na aktibidad, dapat na masiguro ng pamahalaan na may sapat na proteksiyon ang mamamayan laban dito at masigurong may seguridad, integridad, kumpidensiyalidad ang kabuuang impormasyon at komunikasyon ng bansa.

Sa ilalim ng panukala na mas kikilalanin bilang Cybercrime Prevention Act of 2010, may pananagutan sa batas at ituturing na krimen ang gagawing pakikialam ng sinuman na mapapatunayang gumawa ng krimen gamit ang internet, at nakiaalam sa confidentiality, integrity at availability ng isang computer data and systems, computer forgery at iba pang kahalintulad nito.

Kasamang din sa ituturing na krimen at may kaakibat na kaparusahan ang cybersex, child pornography at unsolicited commercial communications, at pagtulong upang maisakatuparan ang paggawa ng cyber crime.