Parusang anim na taong pagkabilanggo, pagsibak sa serbisyo at habangbuhay na diskwalipikasyon na makapaglingkod sa pamahalaan ang ipapataw sa mga pulis, ahente ng NBI at mga tagapagpatupad ng batas na mapapatunayang sangkot sa kotong at iba pang iligal na gawain.
Inihain ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara ang HB00246 o ang “Kotong Act of 2010” upang maibalik ang integridad at katapatan ng mga tagapatupad ng batas at maibalik sa kanila ang tiwala ng mamamayan.
Sinabi ni Angara na ang pagpapatupad ng mga batas tulad ng PNP Reform Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at iba pang kahalintulad na batas na nagpaparusa sa mga opisyal ng pamahalaan sa mga kasong kriminal at administratibo ay hindi sapat upang matigil ang pangongotong, hulipdap at iba pang uri ng krimen na karaniwang ang mga biktima ay mga may mabababang kita tulad ng taxi, jeepney, truck, bus drivers, at maging mga nagtitinda sa bangketa dahil napakagaan ng parusang ipinapataw sa kanila.
Ayon kay Angara, na napapanahon na upang ituring ang pangogotong ng mga nabanggit na tagapagpatupad ng batas bilang isang krimen na may kaakibat na mabigat na kaparusahan at naglalayong maibalik ang dignidad ng mga opisyal na naglilingkod ng tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.