Saturday, October 30, 2010

Paggamit ng commemorative plates, bawal na

Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan na gawing krimen ang di-otorisadong paggamit ng mga commemorative car license plates kung pagbabatayan ay ang panukala nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez Jr.

Layunin ng HB01172 nina ng mga Rodriguez na matigil na ang pag-abuso sa mga commemorative plates na karaniwang ginagamit ng mga di marunong sumunod sa batas trapiko upang matakasan nila ang kanilang traffic violations.

Batay sa HB01172, ang commemorative license plate (CLP) ay isang bagay na nagsisilbing tagapag-paalala at nagbibigay pugay sa isang makasaysayang lugar, pangyayari, pagkakataon, lihitimong organisasyon at mga pambansang bayani at ito ay maaari lamang gamitin sa limitadong panahon at nakalagay sa harapang bahagi ng sasakyan.

Sunabi ni Rodriguez na sa kasalukuyan, ang commemorative plates umano ay nagagamit upang ang taong mayroon nito ay makapagyabang o di kaya ay maipakita na sila ay mas importante kumpara sa mga taong wala nito.

Idinagdag pa ng mambabatas na bagaman at hindi kasing bulgar ng paggamit ng sirena at wang-wang, pareho pa rin ang impresyon umano na ipinapahatid o nais ipahatid ng taong gumagamit ng CLP.

Mayroon din umanong mga traffic enforcer at maliliit na pulis ang nasisindak pa rin sa mga CLP kaya imbes na hulihin kapag nagkaroon ng traffic violation ang mga sasakyang mayroon nito ay pinipiling iwasan na amang imbes na hulihin dahil may commemorative plates.

Nagagamit din umano ang mga commemorative plates na ito upang maiwasan ang pagsunod sa programang pinapairal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na Unified Vehicular Volume Reduction.