Dahil sa katotohanang ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang maituturing na siyang pinakamahirap na rehiyon sa buong bansa, nais ni Muntinlupa City Rep Rodolfo Biazon na maitaas ang pondong ibibigay dito sa pamamagitan ng conditional cash transfer o CCT.
Ang panawagang ito sa kanyang mga kasama sa Mababang Kapulungan ay ginawa ni Biazon bago pa man maipasa sa ikalawang pagbasa ang panukalang 2011 national budget.
Ayon kay Biazon ang ARMM ang karapat-dapat na mabigyan ng mas malaking hati o kahit P2 billion-share sa CCT
Nagtataka rin umano si Biazon kung bakit sa kabila ng katotohanang ang ARMM ang siyang pinakamahirap na rehiyon ay siya pa ang may maliit na pondo sa cash transfer program.
Sa pagdinig ng 2011 national budget, napag-alamang kay ARMM DSWD regional secretary Hadja Pombaen Kader na isa ang rehiyon ng ARMM sa makakatanggap ng conditional cash transfer program ng gobyerno.
Ngunit sinabi rin ni Kader na ang cash transfer allotment para sa ARMM DSWD ay hindi sapat upang matugunan ang mga proyekto at programa ng tanggapan sa buong rehiyon.
Ayon kay Biazon ang conditional cash transfer ng DSWD ay nagkakahalaga ng P21 billion na sasakop sa isang 5-year program.
Ikinatuwa naman ni Tawi-Tawi Rep Nur Jaafar ang panukalang pagtataas sa conditional cash transfer allotment para sa ARMM, aniya malaki ang maitutulong nito kung mapagbibigyan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon naman kay Sulu Rep Tupay Loong ang karagdagang pondo para sa ARMM DSWD at dapat na naisama sa panukalang pondo sa national office ng DSWD.