Tuesday, October 05, 2010

Impeachment proceedings laban kay Ombudsman Gutierrez, isasalang na

Tutuluyan ng Kamara ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez sa buwan ng Nobyembre matapos ang deliberasyon sa panukalang badyet para sa taong 2011.

Sinabi ni Iloilo Rep Niel Tupas, Jr., nagpasya na ang justice committee na kanyang pinamunuan matapos magsampa ng mosyon ang 17 mambabatas na nagsusulong na hindi ipag-walang bahala ang kanilang sinumpaang tungkulin sa Saligang Batas.

Ayon anamn kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., sinusuportahan niya ang desisyon justice committee sa pagsusulong ng impeachment proceedings laban kay Gutierrez.

Naghain ang mga mambabatas ng mosyon sa Kataastaasang Hukuman upang ipawalang bisa ang status quo ante order na nauna na nilang ipinalabas matapos maghain ng mosyon si Gutierrez sa hukuman na ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya.

Ayon kay Tupas, si Solicitor General at retiradong mahistrado Vicente Mendoza ang kumakatawan sa justice committee bilang abogado.

Iginiit ng mga miyembro ng komite ang kanilang mandato sa ilalim ng Article 11 Section 3 ng 1987 Saligang Batas na magsagawa ng pagdinig at isumite sa plenaryo sa loob ng 60 araw mula nang isampa ang reklamo, ang kanilang ulat kasama na ang resolusyon nito.

Nagbabala naman si Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez na kapag binalewala ng Kamara ang utos ng Korte Suprema ay maaaring humantong ito sa isang constitutional crisis, ngunit sinabi ni Deputy Speaker Lorenzo Tañada III na hindi mangyayari ito dahil hindi pa naman pinal ang hakbang ng Korte.

Ang payo ni Maguindanao Rep Simeon Datumanong ay umiwas na lamang ang justice committee sa anumang sitwasyon upang hindi magbanggaan ang Mababang Kapulungan at Kataastaasang Hukuman.

Naniniwala naman si Ilocos Norte Rep Rodolfo Fariñas na hindi maaaring magbanggaan ang Mababang Kapulungan at Kataastaasang Hukuman.

Hindi aniya maaaring i-contempt ng hukuman ang mga mambabatas sa pagsasagawa ng impeachment proceedings dahil mayroon silang tinatawag na parliamentary immunity kapag ang Kongreso ay nasa sesyon.