Nababahala si Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez sa paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit ng prostate cancer sa bansa.
Batay sa pinakahuling pag-aaral, 25% o 11.8 milyon ng 47.4 milyong kalalakihan na lagpas sa 40 taong gulang ay maaaring may ganitong karamdaman at kapag hindi ito nasuri ng maaga ay maaaring ikamatay ng pasyente.
Dahil dito ay inihain nina Rodriguez at Abante Mindanao Party-list Rep Maximo Rodriguez, Jr. ang HB00590 o ang Prostate Cancer Public Awareness Act, na naglalayong magtatag ng isang programa upang pukawin ang kamalayan ng mga kalalakihan para sa maagang pagpapasuri ng karamdaman ng prostate cancer.
Ayon kay Cong Rufus, ang prostate cancer ang nangungunang dahilan sa pagkasawi ng mga kalalakihan sa bansa, kaya’t marapat lamang na mabigyan ng wastong edukasyon at babala ang ating mga kalalakihan sa panganib na dulot ng prostate cancer.
Ang mga kalalakihan daw na nag-iedad 40 taong gulang ay dapat na sumailalim sa madalas na pagsusuri upang malaman kung may palatandaan na mayroon itong prostate cancer.
Kapag mas maagang nasuri at nagamot ang sakit na ito ay maliit lang umano ang gastos ng pasyente kesa kung ito ay malala na.
Napakasimple lang ng proseso sa pagpapasuri na tinatawag na prostate ultrasound kaya’t huwag ng magbakasakali ang ating mga kalalakihan upang maaga nating malaman kung may palatandaan tayo ng prostate cancer giit na mambabatas.