Nagpahayag ng suporta si Sorsogon Rep Salvador H. Escudero III, chairman ng House committee on basic education sa panukalang palawigin pa ng dalawang taon ang basic education sa bansa.
Ngunit dapat umano ay na-aangkop ito sa pagbabawas naman ng haba ng itatagal sa pag-aaral ng ilang kurso sa kolehiyo.
Sinabi ni Escudero na mayroong mga kurso sa ilang unibersidad at kolehiyo sa bansa na dapat ding bawasan ang taon ng pag-aaral nito.
Ayon pa sa mambabatas, ang pagbi-beterinaryo sa ibang bansa ay tinatapos lamang sa loob ng apat na taon ngunit dito sa atin, kailangang bunuin ang pitong taon ng estudyante bago ito makapagtapos ng kurso.
Ang mga medical student sa Pilipinas ay kailangang bumuno ng 13 hanggang 14 na taon bago matapos ang kurso ng medisina samantalang sa ibang bansa, natatapos lamang ito sa loob ng pitong taon.
Maging ang pagiging abogado, dagdag pa ni Escudero, inaabot ng walong taon dito sa Pilipinas, samantalang natatapos ito sa ibang bansa sa loob lamang ng anim na taon.
Sinabi naman ni Nueva Vizcaya Rep Carlos M. Padilla, hindi ang karagdagang dalawang taon umano ang dapat na bigyang pansin ng pamahalaan kundi ang malaking kakulangan sa mga guro, silid-aralan, libro at mga palikuran.
Sa kasalukuyan, matindi na raw ang tinitiis na paghihirap ng ating bansa, mamamayan at ng mga mag-aaral mula sa malaking kakulangang ito.