Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang panukalang naglalayong gawing batas ang paglalagay seat belt at children restraints sa bawat sasakyan upang masigurong ligtas ang bawat batang nasa sasakyan,
Sa HB00319 na inihain ni Tarlac Rep Susan Yap, layunin din nito na magpataw ng parusang pagkakakulong ng anim na buwan at multang di bababa sa P5, 000.00 sa mga lalabag sa panukalang ito.
Sinabi ni Yap na layunin ng panukalang ito na mailigtas ang daan-daang kabataang Pilipino na nasasangkot sa sakuna at madalas na siyang nagiging biktima dahil sa wala silang kalaban-laban kapag nasasangkot na ang kanilang sasakyan sa sakuna.
Kadalasan umanong nagiging biktima ay nasa idad 5 hanggang 14 dahil sa walang seat belt at children’s restraint ang sasakyan at ito ay dahil umano sa walang batas sa buong mundo na tumutukoy sa paggamit ng children’s restraint.
Sa ilalim din ng batas, mahigpit na ipagbabawal ang pagpapaupo sa mga batang may idad 12 pababa, sa harapan o sa tabi ng driver.
Hindi rin dapat iwan ng nag-iisa ang isang bata sa loob ng sasakyan na umaandar ang motor kahit na isang saglit. Kung maiiwan man ang bata, dapat ay may kasama itong bantay na ang idad ay hindi bababa sa 18 taon.
Hindi naman kasama sa masasakop ng batas na ito ang mga school service vehicles at public utility tulad ng jeepney, bus at taxi.