Monday, September 06, 2010

Pinaiimbestigahan ang diumanong huwad na pera mula sa ATM

Pinaiimbestigahan ni Iloilo Rep Janette Garin sa Kamara, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang napaulat na isang automated teller machine (ATM) ng PSBank sa Cainta, Rizal ang naglabas ng huwad na P1,000 salaping papel.

Sinabi ni Garin na labis umanong nakababahala kung totoo man ang ulat na ito dahil apektado ang buong institusyon sa pagbabangko sa bansa na posibleng napasok na rin ng mga sindikato at wala daw ibang maaaring sisihin dito kungdi ang mga opisyales at kawani na nagtatrabaho sa bangko dahil sila lamang daw ang maaaring maglagay ng pera sa mga ATM kunga kayat dapat na maisiwalat kung papaano nakarating sa ATM ang mga huwad na pera at saan napunta ang tunay na pera, upang matukoy kung sino ang mga gumagawa nito.

Ayon naman kay Buhay Party-list Rep William Irwin Tieng, dapat umano na agarang kumilos ang BSP at maibestigahan ito para maiwasan ang negatibong epekto sa sistema ng pagbabangko sa bansa.

Ayon sa kanya, nakakaawa umano ang mga taong nagsisikap na kumita sa maayos na paraan, pagkatapos ay huwad na salapi lamang ang kanilang makukuha sa ATM

Ang mga ATM ay walang kakayahan na malaman kung huwad ang mga salaping nakakarga rito kayat malamang na may kinalaman ang naglagay ng pera sa ATM.”

Matatandaang nag-withdraw sa PS Bank sa isang mall sa Cainta noong ika-10 ng Agosto si Giovani Manio, isang call center agent, ng P3,700 katumbas ng kanyang sahod. Habang nagbabayad siya sa inorder na pagkain sa Jollibee ay napag-alaman sa pamamagitan ng isang light sensor na isang huwad na P1,000 na salapi na galing aniya sa ATM ang kanyang naibayad. Hindi makapaniwalang nagreklamo si Manio sa bangko at sa pulis matapos ang insidente.

Ayon pa rin sa ulat, nang araw ding iyon ay nabiktima ang LBC, isang courier company, matapos makatanggap ng huwad na salapi na ipinadala ng isang babae, na matapos mag-withdraw sa naturang bangko ay nagbayad sa LBC.

Sinabi ni Grace Malic ng BSP na ang dalawang insidente ay batayan na upang imbestigahan ang bangko. Dapat umano silang magpaliwanag dahil hindi umano ito bago at hindi na ito dapat na maulit pa.