Nanawagan si Aurora Rep Juan Edgardo Angara ng suporta mula sa mga kapwa niyang mambabatas sa Kamara at Senado upang madagdagan ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa kanyang inihaing HB00397 na naglalayong ilibre ang mga guro sa pagpapairal ng RA06758 o Salary Standardization Law.
Sinabi ni Angara na dapat na umanong madagdagan ang sahod ng mga guro sa isang antas na magbibigay ng ginhawa sa kanilang pamilya sa kabila ng napakamahal na halaga ng mga pangunahing bilihin.
Napakarami umanong guro ang nangingibang bansa na lamang dahil sa baba ng suweldo dito at ito lang ang nakikita nilang paraan upang maiangat ang kanilang kabuhayan.
Malaki na daw ang nabawas sa bilang ng ating magagaling na guro at lubhang naaapektuhan ang edukasyon ng ating mga kabataan kung patuloy na mananatili ang ganitong sitwasyon.
Dapat umano nating patatagin ang Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng antas ng pasahod sa mga guro upang mahimok sila na maglingkod sa sariling bayan, kaysa mangibang bansa para sa mas mataas na sahod.
Sinabi ni Angara na naging patakaran na ng estado na maglaan ng pinakamalaking bahagi ng taunang budget sa Kagawaran ng Edukasyon kaya’t dapat na matiyak na mapaglalaanan ang pasahod.