Isiniwalat ni Isabela Rep Giorgidi Aggabao na laganap umano ang pamemeke o huwad na deklarasyon sa panganganak upang makaiwas sa mahabang proseso ng legal na pag-ampon ng mga mag-asawang walang anak.
Dahil dito ay inihain ni Aggabao ang HB01822 na naglalayong amiyendahan ang Section 22 ng RA08552 o “Domestic Adoption Act of 1988.”
Sinabi ng mambabatas na ang huwad na deklarasyon ng panganganak ay isang krimen sa ilalim ng Article 347 at Article 172 ng Revised Penal Code.
Ayon sa kanya, batay sa Section 3 subparagraph (j) ng RA 8552, ang pamemeke sa civil registry upang palabasing naipanganak ang isang sanggol sa isang hindi niya tunay na ina ay nagreresulta sa pagkawala ng pagkakakilanlan at tunay na katauhan ng isang bata.
Sa kasalukuyan, binibigyang pagkakataon ang pagwawasto sa legal na pag-aampon sa ilalim ng Section 22 ng RA 8552, subali’t ang probisyong ito sa batas ay nagtapos na.
Layunin ng panukala ni Aggabao na pahabain pa ng limang taon ang palugit para sa mga magulang upang maiwasto ang legal na pag-aampon sa isang sanggol, at ganap na mahinto ang pamemeke para na rin sa kapakanan ng mga bata at relasyon sa pagitan ng mga magulang at batang inaampon.
Idinagdag pa ng solon na maiiwasan na rin umano ang blackmail, pangongotong at anumang demanda mula sa mga taong nanggugulo lamang ng pamilya, na lubhang nakakaapekto sa isang walang malay na bata.
Ayon naman kay San Jose del Monte City Rep Arturo Robes, chairman ng House Committee on Social Services na dumidinig sa panukala, mabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawang walang swerte na magkaanak na maging legal ang pag-aampon nila sa napupusuang sanggol ng hindi lumalabag sa batas na may kaakibat na parusa.
Mahaba na umano ang palugit na limang taon upang iwasto ang pagsasalegal ng pag-aampon.