Gusto ni Surigao del Sur Rep. Philip Pichay na magtatag ang estado ng isang floating medical center upang matugunan ang kakulangan ng ospital sa bansa.
Sinabi ni Pichay na sa kasalukuyan ay mayroon lamang 1,738 ospital sa buong bansa na naglilingkod sa mahigit 90 milyong Pilipino at 275 bayan o 18% ng 1,525 munisipyo ay wala man lamang kahit isang manggagamot mula sa pamahalaan.
Sa HB01091 na kanyang inihain, layunin nitong magtatag ng Philippine Floating Medical Center na imamantine ng Philippine Navy at ng Department of Health na siyang magsisilbi sa mga mahihirap na mamamayan lalo na sa malalayong lugar na hindi nararating ng serbisyong medikal mula sa pamahalaan.
Ayon kay Pichay, anim umano sa sampung mamamayan sa buong bansa na nasasawi dahil sa karamdaman ay hindi man lamang nakakaranas ng atensyon mula sa mga dalubhasang manggagamot, dahil na rin sa sobrang kahirapan at kakulangan ng mga ospital.
Ang Floating Medical Center na itatagag ng pamahalaan ay magtatalaga ng mga dalubhasang manggagamot, nurses at mga kawani na maglilibot sa lahat ng lalawigan, bayan at mga lungsod sa buong bansa upang manggamot ng libre at mamigay ng libreng gamot sa mga mamamayan na walang kakayahang magbayad. Ang mga may kakayahang magbayad sa kanilang serbisyo ay pagbabayarin sa abot-kayang halaga.
Layunin din ng kanyang panukala ang pagbibigay ng insentibo sa mga manggagamot na nagbabakasyon mula sa ibang bansa, kapalit ng kanilang paglilingkod sa Philippine Floating Medical Center ng ilang araw.
Nanawagan si Pichay sa mga kapwa mambabatas sa agarang pagpapasa ng panukala bilang tugon na rin sa tumataas na bilang ng mga kumakalat na sakit tulad ng dengue, malaria, tuberculosis sa ating bansa, na may 4.5 milyong nagugutom na kabataan.