Friday, September 03, 2010

Pagtatatag ng legislative academy, isinusulong

Isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng legislative academy para sa mga baguhang mambabatas ang isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan.

Sa HB00108 at HB00227 na ininihain nina Majority Leader Neptali Gonzales II ng Mandaluyong City at Manila Rep Amado Bagatsing, layunin ng mga ito na itatag ang Philippine Legislative Academy na siyang magiging daan upang magbigay kaalaman sa mga baguhang senador at kongresista hinggil sa paggawa ng batas.

Sinabi ng dalawang mambabatas na ang itatatag na akademiya ay ang magsisilbing sanayan at pagkukunan ng kaalaman ng mga baguhang mambabatas hinggil sa pasikot-sikot sa Kamara at Senado at kung papaanong maging magaling, episiyente, at mabuting mambabatas sila.

Ayon pa kay Bagatsing, maging ang mga baguhang kawani na magsisilbi sa Kongreso ay kinakailangan ding dumaan sa pagsasanay at pag-aaral sa itatatag na legislative academy.

Idinagdag pa ni Bagatsing na ang akademiya ang magbibigay kaalaman at pagsasanay sa bawat mambabatas kung papaano silang maninilbihan at kasamang huhubog sa ating bansa sa pamamagitan ng paggawa ng batas.

Dagdag pa ng dalawang mambabatas na ang panukalang batas na ito ay naaayon at inihahalintulad sa dalawang sangay din ng pamahalaan, ang executive at judicial na may sarili ng training institutions.

Panahon na rin umano upang magkaroon ng sariling training institution ang Kongreso para sa mga bagong mambabatas at maging mga kawaning nagnanais manilbihan sa mga mambabatas.