Idideklarang isang krimen na ang nakasanayan ng paglalagay ng arbitrary age range sa pagtanggap ng aplikante sa trabaho, kung saan kadalasang nagiging sanhi upang mawalan ng laban ang isang may idad na ngunit may kakayahan pang aplikante laban sa mga mas nakababatang aplikante.
Kaya’t kung ikaw ay medyo may edad na ngunit may kakayahan pa upang maging progresibo at magtrabaho, huwag mawalan ng pag-asa.
Sa ilalim ng HB00156 na isinumite ni Paranaque Rep Edwin Olivares, ipagbabawal na sa lahat ng employer na maging basehan ang pagiging may edad ng isang aplikante upang siya ay matanggap sa trabaho, bigyan ng mas mababang suweldo o limitahan ang oportunidad nito at maging ang pagpapatanggal sa isang manggagawa dahil sa siya ay may edad na ay idedeklara ring isang krimen.
Ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa anumang probisyon sa panukalang ito ay mahaharap sa isang taong pagkakabilanggo o di kaya’y multang di hihigit sa PhP5,000.00 o pareho.
Dagdag kaparusahan pa ang suspensyon ng rehistro nang 10 taon sa unang pagkakasala at tuluyang pagkakansela naman sa ikalawang pagkakasala sa alinmang labor organization sa mga mapapatunayang lumabag sa mga probisyon sa panukalang ito.