Tuesday, September 21, 2010

Libreng matrikula sa mahihirap na mag-aaral, isinusulong

Nanawagan si Aurora Rep Juan Edgardo Angara ng agarang aksiyon ng Mababang Kapulungan sa panukalang kanyang inihain na magbibigay ng scholarship grants sa mga mag-aaral na mahirap ngunit matalino naman.

Ayon sa HB00405 ng mambabatas, aatasan nito ang bawat kolehiyo at unibersidad na magbigay ng libreng matrikula sa kahit na 5% lamang ng populasyon ng kanilang mag-aaral lalo na yaong mga mahihirap ngunit matalino naman.

Sinabi ni Angara na kapag nabigyan ng kaalaman at edukasyon ang naghihirap na mga mamamayan at natulungan silang makapagtapos ng kurso at maging propesyunal, nakakatulong din umano ang Kongreso sa ikabubuti at sa kapakanan ng ating bansa.

Ayon sa kanya, kikilalanin ang panukala bilang Scholarship for the Poor Act of 2010 na siyang magiging daan upang mabigyan ng edukasyon ang mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong matapos nila ang kolehiyo.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng kolehiyo, unibersidad ay magbibigay suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang epektibong scholarship program kung saan lahat ng suporta at pag-agapay ay dapat ibigay ng paaralan sa estudyanteng nasasakop ng programa.