Wednesday, September 15, 2010

Land Bank at DBP, magsasanib

Isinusulong ni Quezon Rep Danilo Suarez ang pagsasanib-pwersa ng dalawang bangko ng gobyerno upang mapalago at mapalawak ang paglilingkod nito sa industriya ng pagbabangko.

Inihain ni Suarez ang HB00135, na naglalayong pag-isahin ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), upang mapalago ang katayuang pampinansya at pag-aari ng mga ito.

Sinabi ni Suarez na ang pagsasanib-pwersa ng dalawang bangko ay magpapakita ng katatagan sa usaping pang-ekonomiya, sapagka’t patuloy nilang ginagampanan ang kanilang huwarang tungkulin sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga pamayanan sa larangan ng pananalapi.

Ang Land Bank of the Philippines ang pinakamalaking bangko na pagmamay-ari ng gobyerno at ang Development Bank of the Philippines ay isa sa pinakamatatag na bangko ng pamahalaan na sumusuporta sa maka-mamamayang pag-unlad ng bawat Pilipino.

Ang kanilang pag-iisang dibdib ay magdudulot pa ng ibayong katatagan, dagdag pa ni Suarez

Ayon kay Suarez, ang krisis na naranasan ng industriya sa pagbabangko sa rehiyon ng Asia ang nagtulak sa kanya upang isulong ang panukala. Nauna ng nagsanib-pwersa ang ilang mga bangko sa bansa para mahikayat ang ibayo pang katatagan.

Ang mga bangko ng gobyerno ay hindi ligtas sa ganitong krisis kaya’t ang tanging paraan lamang upang tapatan ang naglalakihang pribadong commercial at universal banks sa bansa ay palaguin ang katayuang pampinansya at pag-aari nito, ayon pa sa kanya.

Sa ilalim ng panukala, ang LBP ang siyang magiging pangunahing kabalikat sa pagsasanib, nguni’t hindi aniya maaapektuhan ang mandato ng bawa’t bangko sa paglilingkod at pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisda, at mga maliliit na negosyante.