Wednesday, September 22, 2010

Industriya ng turismo, pai-igtingin

Umaasa si Department of Tourism (DOT) Secretary Alberto Lim na lalago pa ang industriya ng turismo sa bansa sa kabila ng negatibong epekto na idinulot kamakailan ng hostage-taking sa Lungsod ng Maynila.

Ito ang kanyang inihayag matapos na humarap siya sa pagdinig ng House committee on appropriations sa pagtalakay ng budget ng naturang tanggapan.

Sinabi ni Lim na sa kabila ng pagbabawal ng pamahalaan ng Hong Kong sa kanilang mga residente na bumisita sa bansa ay maraming naitalang turista na kinabibilangan ng mga Tsino sa ibat-ibang bahagi ng bansa tulad ng Cagayan at patunay umano ito na humuhupa na ang galit ng mga Tsino sa nabigong pagresolba sa hostage taking sa pamamagitan ng matahimik na diplomasya.

Isusulong ng DOT ang mga estratehiya upang patatagin pa ang turismo sa bansa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Kailangang daw mapalitan ng iba pang merkado sa turismo ang mga nawalang Hong Kong tourists at hindi dapat umano tayo titigil hanggang sa makamit natin ang 10% paglago sa industriya ng turismo bago matapos ang taon.

Sinuportahan namn ni Camarines Sur Rep Luis R. Villafuerte ang mungkahi ng DOT at kanyang sinabi na kung nais umano nating makamit ang ating layunin ay dapat itaas ng Kongreso sa P10 bilyon ang hinihiling na pondo sa proyekto para sa imprastraktura ng tanggapan bilang ayuda sa hangaring ito.