Wednesday, September 22, 2010

Elektresidad muna bago MRT

Labis-labis ang P7.2 bilyon na pantustos ng gobyerno sa Metro Rail Transit, ayon kay Occidental Mindoro Rep Ma. Amelita Villarosa.

Sinabi ni Villarosa na dapat umanong unahing tustusan ng pamahalaan ang 30,000 sitios sa bansa na walang elektrisidad.

Ayon kay Villarosa, wala umanong electrification projects sa 30,000 sitios sa buong bansa at heto ang MRT subsidy na nagbibigay lamang ng serbisyo sa 11% ng kabuuang populasyon sa National Capital Region.

Sinabi pa ng mambabatas na walang nakuhang alokasyon ang National Electrification Administration para sa rural electrification ng mga baryo na walang elektrisidad.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations sa P32.35 bilyon panukalang pondo ng Department of Transportation and Communications, nanawagan si Villarosa na dapat magkaroon ng re-alignment sa P7.2 bilyon na subsidy ng MRT.

Plano ng MRT na magtaas ng pamasahe sa kasalukuyang fare level nito dahil hindi kayang matakpan ang equity rental payment.

Ayon kay DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus handang mag-adjust ng fare structure ang MRT para ito ay maging resonable subalit hindi dapat mawala ang kabuuang subsidiya.