Ipinahayag ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na hindi mawawala sa prayoridad ng Kamara ang layunin nitong mabawasan kung hindi man tuluyang mawala, ang kahirapan, makapagbigay ng edukasyon at mabigyan ang publiko ng tulong pangkalusugan sa pagbusisi nito ng isinusulong ni P-Noy na P1.645 trillion budget 2011.
Sinabi ni Belmonte na ang mga buwis na ginagamit sa taunang pambansang gastusin ay ang nagbibigay buhay sa gobyerno upang ito ay patuloy na mabuhay.
Idinagdag pa ng Speaker na ang bawat sentimong ginagastos umano nito ay dapat na mapunta sa dapat nitong mapuntahan.
Ayon pa sa kanya, ang laban umano sa kahirapan, sapat at de-kalidad na edukasyon at pangkalusugan ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng Kamara.
Ikinadismaya rin ni Belmonte ang naiulat ng UN kung saan isa umano ang Pilipinas sa underperforming na bansa kung hinggil sa paglaban sa kahirapan, edukasyon at pangkalusugan ang pag-uusapan.
Ayon kay Belmonte ang underperformance na sinasabi ay naganap nang mga panahong mayroon umano ang bansa ng mataas na GNP at GDP growths, kung saan patunay umano ito na ang growth ng walang tamang political leadership ay pabor lamang sa iilan at nakakalimutan naman ang mas nakararami na kadalasan ay ang mahihirap at ang mga walang boses.
Dapat umano nating gamitin sa tama ang kung anumang pondo at resources mayroon ang pamahalaan at iwasan ang pagbubukas ng oportunidad para magkaroon ng korapsiyon sa pondo ng bansa at dapat lamang umano tayong maging responsable, praktikal at maingat sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon pa kay Belmonte, sa kasalukuyang political leadership ang pangako nitong tapusin na ang korapsiyon, at kahirapan ay naaayon sa pangako ng bansa na maabot ang at matupad ang MDG.
Ikinatutuwa naman ni Belmonte ang kasipagan at pagiging masigasig ng mga kasamahan nito sa Mababang Kapulungan na laging pumasok sa bulwagan at busisihing mabuti ang anumang usaping nakalatag dito, partikular na ang hinggil sa 2011 national budget.