Iminungkahi ngayon sa Mababang Kapulungan na gawing krimen ang pagtatayo ng pansamantalang tirahan, tindahan at iba pang katulad nito, sa mga pampublikong lugar tulad ng sidewalk, tulay at kalsada.
Sinabi ni Tarlac Rep Susan Yap na layunin ng HB00356 na ideklara biulang isang krimen na may katumbas na multang P1,000 at 30-araw na pagkakakulong ang lalabag sa probisyon nito.
Ayon kay Yap napapanahon na upang harapin at lutasin ng pamahalaan ang matagal nang problema hinggil sa mga eskwater.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal na sa mga tao na gamitin ang mga sidewalk, kalsada, tulay, parke, at iba pang pampublikong lugar na gamitin bilang kanilang mga pansamantalang tirahan, tindahan at pwesto na kadalasan ay gawain ito ng mga nagtitinda ng pagkain, diyaryo at magazines,mga walis, sigarilyo, mga pandekorasyong alahas at relos, sapatos at iba pa.
Maging ang mga pwesto ng shoe-shine, paggamit sa kalsada bilang garahe, repair shops, basketball court, tambakan ng basura, imbakan ng mga kahon-kahong inumin o softdrinks, inuman at iba pang kahalintulad nito, ay ipagbabawal na rin, batay sa panukala ni Yap.
Ayon sa kanya, ang panukalang Clear Sidewalks Act of 2010 ay magbibigay mandato sa mga kinauukulan at sa otoridad na magsagawa ng pagsira o demolisyon ng mga strakturang itona ituturing na iligal na itinayo upang masiguro magkakaroon ng kaginhawahan para sa mamamayan.
Nakasaad din sa panukala na maging ang pagdudugtong o pagpapalawak ng sakop ng isang bahay o bubong nito, paglalagay ng halaman, pagtatanim ng puno at halaman, at paglalagay ng bakod sa mga pampublikong lugar ay mahigpit na ring ipagbabawal
Kung sakaling may magnanais na gumamit ng sidewalks o kalsada, maging ito man ay pang-charity, mga promotional sales at community-wide na espesyal na okasyon, ay kailangan munang kumuha ng permiso para sa pansamantalang paggamit at dapat ay hindi ito magtatagal.