Naghain si Tarlac Rep Susan Yap ng isang panukala na ang layunin ay madagdagan ng benepisyo na aabot sa P9,000.00 ang mga guro sa pampublikong paaralan bukod pa sa kanilang buwanang sahod.
Kasalukuyan, ang pinakamababang buwanang sahod ng guro ay umaabot sa P12,026.00
Ito ang nakapaloob sa HB00350 ni Yap na ang layunin ay matulungan ang mga guro sa kindergarten, elementarya, sekondarya, alternative learning system at special levels.
Sinabi ni Yap na ang P9,000.00 ay hahatiin sa tatlong bahagi sa loob ng tatlong taon at isasama ito sa kanilang buwanang sahod.
Sakop ng panukala ang mga guro sa Philippine Science High School (PSHS) System teaching at non-teaching personnel, at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd), maliban sa may mga posisyon na ang sahod ay grade level 30 pataas.
Tatangggap din ang mga guro ng karagdagang P1,000.00 para sa kanilang medical allowance, dagdag pa ni Yap sa kanyang panukala.
Ayon pa kay Yap, alituntunin at prayoridad ng estado na maglaan ng pinakamalaking pondo para sa edukasyon at tiyakin na ang patuturo ay natatanging isang talento na makapagbibigay ng kagandang kinabukasan at katuparan ng mithiin sa buhay.