Monday, August 02, 2010

Pagtatag ng preschool program sa mga pampublikong paaralan, isinusulong

Nais ng isang mambabatas na maitatag ang pre-school program sa lahat ng mga pampublikong paaralan at isama ang values formation sa ituturo sa mga pampublikong eskwelahan.

Sinabi ni Cebu City Rep Rachel Marguerite del Mar nakasaad sa isinumite niyang HB00025 na magiging hiwalay na level ng pag-aaral ang preschool at ituturing itong prerequisite para makapasok sa elementarya.

Ayon kay del Mar, ang preschool age ang pinakatamang taon para turuan ang mga bata dahil sa mga edad na ito ay nagsisimula na silang maging interesado sa mga bagay-bagay sa kanilang paligid.

Nakasaad din sa panukala ni Del Mar ang pagsasama ng values formation bilang mahalagang bahagi ng pag-aaralan sa lahat ng pampublikong paaralan mula sa preschool, elementarya, hanggang sa high school.

Ayon pa sa kanya , ang mga paghahandang dapat gawin ng isang guro na nagnanais magturo ng values formation ay dapat magkaroon ng tama at kinakailangang kagamitan, paghahanda, kaalaman at iisang pang-unawa at pagkakaintindi kung papaanong magturo na mauunawaan at matututunan ng kanilang estudyante.

Dapat din umanong may iisa ring ihahanda o ihahaing lesson plan, paraan ng pagtuturo, paraan kung papaanong ituturo ang bawat aralin, at ebalwasyon sa kanilang mga estudyante upang maging epektibong maipapatupad ng batas na ito.