Pagtutuunan ng ibayong pansin ni Marikina City Rep Romero Federico Quimbo na bigyan ng pabahay ang mahigit 45 porsiyentong residente sa kanyang distrito na walang lupa at bahay bilang tugon sa programang pabahay ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ni Quimbo na hindi lamang pondo ang kailangan sa programang ito kundi ay isang mabisang batas na magbibigay ng sariling lupa at bahay sa mga informal settlers.
Isiniwalat ni Quimbo, dating pangulo ng Home Development Mutual Fund (HDMF) at katulong ni dating Bise-Presidente Noli de Castro sa programang pabahay na sa 257,813 na populasyon ng ikalawang distrito ng Marikina na may 13.62-square kilometers at kinabibilang ng Concepcion Uno at Dos, Fortune, Marikina Heights, Nangka, Parang at Tumana, mayroong mahigit sa 116,015 o 45 porsiyento ang informal settlers.
Ayon sa kanya, ang magiging pangunahing adhikain niya ay ang bigyan ng sariling tahanan ang kanyang mga kababayan sa distrito, kasama na ang pangkalusugan, edukasyon at livelihood.
Bukod sa ospital ng Department of Health na nagbibigay ng serbisyo sa buong lalawigan ng Rizal, nais din ni Quimbo na bigyan ng makabagong pasilidad na tutugon sa kalidad ng health care bilang pangunahing pangangailangan ng mga residente.
Idinagdag pa ni Quimbo na hikayatin niya ang mga estudyante na magpakita ng kanilang galing sa akademya dahil ito ang kailangan umanong bigyan ng ibayong pansin at hindi ang pagpapatayo ng mga bagong gusaling paaralan.