Isinusulong ngayon ni Albay Rep Al Francis C. Bichara ang pagtatatag ng national identification card na maglalaman ng mahahalaga at pangunahing mga impormasyon ng bawat mamamayan ng bansa.
Sinabi ni Bichara na nakasaad sa kanyang panukalang HB00131 ang boluntaryong magkakaroon ng VIP card ng bawat Pinoy at mga dayuhang pinili ng manirahan sa Pilipinas, anuman ang idad nito.
Ayon kay Bichara, kung magkakaroon ng iisang identification card ang bawat Pinoy, mas mapapadali ang pakikipag-ugnayan ng bawat mamamayan sa pamahalaan.
Idinagdag pa niya na ang VIP card ay magsisilbing katibayan ng pagkakakilanlan ng isang tao sapagkat ito ay maglalaman ng permanenteng serial number, pangalan, litrato, tirahan/residente, kapanganakan, kasarian, taas at timbang, nasyunalidad, tipo ng dugo, polling precinct, barangay/munisipalidad/lungsod o probinsiya, at ang kalagayan at pangangailangang medikal nito.
Ani Bichara ang, VIP card ay maaaring gamitin sa pagsisiguro kung ano ang tunay na kalagayan ng isang tao, kung siya man ay may asawa o wala, kapanganakan at iba pang personal na kaalaman. Magagamit ito kung nais kumuha ng pasaporte o lisensiya sa pagmamaneho.
Magagamit din daw ito kung nakikipagtransaksiyon sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HMDF).
Maaari ring umano itong gamitin ito sa mga pagkakataong mayroong kinalaman sa pagpasok sa paaralan o sa unibersidad o anumang institusyong may kinalamanb sa edukasyon o paglinang ng talinoo sa pag-a-apply ng trabaho.
Kung may magkamaling gumawa ng palsipikasyon sa ibibigay na impormasyon ng taong nagnanais magkaroon ng VIP card, parusang isang taong pagkakakulong o di kaya’y multang di bababa sa P10,000 ang ipapataw dito.