Thursday, August 05, 2010

Multi-lingual education at literacy program, isinusulong

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang magtatatag ng multi-lingual education program na naglalayong maiangat ang literacy program ng gobyerno.

Sinabi ni Valenzuela City Rep Magtanggol Gunigundo na sa HB00162 na inihain niya, layunin nito na gamiting pangunahing salitang gagamitin o primary medium of instruction (MOI) sa pagtuturo ang diyalektong ginagamit ng mga bata mula sa pre-school hanggang sa matapos ang elementarya.

Sa ilalim ng kanyang panukala na kikilalanin bilang Multi-Lingual Education and Literacy Act of 2010, ang first language o ang salitang ginagamit ng bata, English at Filipino ay ituturo bilang magkakaibang aralin sa elementarya.

Simula sa Grade IV, ang English at Filipino ay unti-unting ituturo at gagamitin bilang MOI sa pag-aaral sa elementary at isasama ito sa school curriculum subjects samantalang sa high school naman ay gagamitin na ang English at Filipino bilang MOI, at ang first language naman ay gagamitin bilang auxiliary medium.

Mananatili naman ang kasalukuyang polisiya sa ginagamit na MOI sa kolehiyo na isinusulong at ipinatutupad ng Commission on Higher Education (CHED).

Inaatasan din ang Department of Education (DepEd) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na siyang magbigay ng lahat ng kinakailangang rekisitos, kagamitan, mga pasilidad na susuporta na kinakailangan upang mapaunlad, mapatatag, at maisaayos ang mother tongue instruction tulad ng mga pagsasanay sa mga guro, pagbibigay ng mga manuals, learning modules, textbooks, audio-visual aides at iba pang kinakailangang gamit sa pagtuturo.

Ayon kay Gunigundo ang HB00162 ay sumusunod lamang at sumusuporta sa Section 5 ng Republic Act 8980, o ang Early Childhood Care and Development Act, kung saan pibnahihintulutan nito ang paggamit ng salitang ginagamit ng isang bata bilang MOI.

Naniniwala rin si Gunigundo na mas mabisang paraan ito upang mas maintindihan ng mag-aaral ang mga itinuturo sa kanila. Base na rin umano ito sa mga pag-aaral na ginawa kung saan anpatunayan na mas maraming mag-aaral ang mas nakakaintindi kung ano ang kanilang pinag-aaralan kung ito ay itinuturo sa sarili nilang wika.