Ipinanukala nina Bayan Muna Reps. Teodoro Casiño at Neri Javier Colmenares na mabigyan ng proteksiyon at pabuya ang mga whistleblowers o mga taong nagbubulgar ng mga katiwalian at irigularidad sa gobyerno.
Sa HB00132 nina Casiño at Colmenares, layunin nito na mahikayat ang mga may alam sa mga katiwalian laban sa mga opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon at pabuya sa mga
ito.
Sinabi ni Casiño na may mga tao na may nalalamang katiwalian sa loob ng pamahalaan ngunit mas pinipili na lamang ang manahimik dahil sa posibilidad na haraping hirap kapag magsimula na silang magsalita.
Ayon pa sa kanya, marami umanong whistleblowers ang nawalan ng ganang magsalita at ipagpatuloy ang kanilang pagiging saksi dahil na rin sa kawalan ng proteksyon na dapat sana ay ibinibigay ng pamahalaan.
Marami rin sa mga whistleblowers ang napipilitang magtago na lamang dahil imbis na sila ang maging dahilan upang mahuli ang mga tiwali, sila pang umano ang tinatakot ng mga taong naakusahan ng katiwalian.
Ito umano ang dahilan para lalong mamayagpag ang mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno dahil mas madalas ay umuurong ang whistleblowers.