Wednesday, August 25, 2010

Mga opisyal ng barangay, dadagdagan ng kompensasyon

Nais ni AGAP Party-list Rep Nicanor Briones na madagdagan ang buwanang kompensasyon na tinatanggap ng mga opisyal ng barangay bilang pagkilala sa kahalagahan ng kanilang kontribusyon sa lipunan bilang mga frontliners ng pamahalaan.

Sinabi ni Briones na layunin ng kanyang panukala, ang HB00685, na itaas mula sa dating P1,000 at P600, ay gawing P10, 000 at P6, 000 ang natatanggap ng mga punong barangay at mga miyembro ng sangguniang barangay, ingat-yaman ng barangay, kalihim ng barangay, at mga barangay tanod.

Ayon kay Briones, dapat nang baguhin ang kalakarang ito dahil ang mga opisyal ng barangay at empleyado dito ang itinuturing na mga frontliners, ng pamahalaan at siyang direktang nakakasalamuha ng mamamayan ngunit sila pa ang may pinakamababang sweldo.

Idinagdag pa ni Briones na nasa batas naman ang mga gawain at responsibilidad na ginagampanan ng mga opisyal ng baranagy at empleyado nito tulad ng pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang nasasakupan, kaya dapat lamang na may sapat din silang benepisyong natatanggap.

Partikular na aamiyendaha ng HB00685 ang Section 393 ng Local Government Code o ang Compensation and Benefits of Barangay Officials, kung saan ang mga barangay officials kasama na ang mga tanod at miyembro ng lupon ng tagapamayapa ay makakatanggap ng buwanang kompensasyon at hindi na lamang simpleng honoraria, at iba pang benepisyong nasasaad sa batas.