Friday, August 20, 2010

Malalaking sweldo ng mga opisyal sa GOCCs, binatikos

Naniniwala sina Cagayan de Oro Rep Jose Benjamin Benaldo at Kalinga Rep Abigail Faye Ferriol na labis-labis ang tinatanggap na sweldo ng mga opisyal ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at hindi ito makatarungan lalo na kung marami ang naghihirap at nagugutom na mamamayang Pilipino.

Sinabi ni Benaldo na ang buong akala niya ay ang National Power Corporation (Napocor) na nasa kanyang lalawigan ang may malaking pasweldo na kung saan ultimo umano ang mga janitor doon ay tumatanggap ng hindi bababa sa P20, 000 kada buwan kasama na ang libreng paggamit ng kuryente ng mga empleyado ng Napocor.

Ayon sa kanya, noong nanunungkulan pa siya bilang konsehal sa Cagayan de Oro, iyon ang nakarating sa kanya habang ipinagpipilitan nilang maibaba ang singil sa kuryente sa kanilang lugar dahil mahirap lamang ang karamihan doon pero libre pa ang pagkonsumo nila ng kuryente habang ang karamihan ay hilahod para lang makabayad kaya ayon sa mambabatas ikinagulat niya ang napabalitang umano’y labis-labis na sweldo at benepisyo ng lahat ng GOCCs.

Naniniwala rin si Ferriol na dapat nang makialam ang Kongreso at magpasa ng batas kung saan magkakaroon na ng salary standardization ang mga GOCCs, partikular na ang sweldo ng mga opisyal at members of the board nito.

Pabor din sila na buwagin na ang mga GOCCs na nagiging pabigat na sa pamahalaan at hindi na nakakapagpasok ng salapi sa kaban ng bayan dahil, ang dahilan umano kaya mayroong mga GOCCs ay upang ito ang humawak ng mga negosyo na hindi maaaring hawakan ng pamahalaan, at magpasok ng salapi sa kabang bayan.

Ayon naman kina Las Pinas Reps Mark Villar at Party-list Rep Bernadette Herrera-Dy, dapat pag-aralang mabuti ang tungkulin ng bawat GOCC bago ito pagdesisyunang buwagin.