Friday, August 20, 2010

Junior police sa bansa, muling bubuhayin

Bubuhaying muli sa pamamagitan ng pagsasabatas ni Manila Rep Carlo Lopez ang junior police upang makatulong ang mga ito sa mga otoridad at mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng mga batas at mga lokal na ordinansa.

Naghain si Lopez sa Mababang Kapulungan ng HB00120 na naglalayong itatag ang National Junior Police Force na bubuuhin ng mga kabataang nasa idad 15 hanggang 20 anyos na maglalayong boluntaryong sumali sa organisasyon.

Sa ilalim ng panukala, ang magnanais maging junior police ay makakatanggap ng allowances o honoraria na magmumula sa Local Government Units (LGUs).

Nakasaad din sa panukala na kapag binigyan ng rekomendasyon ng kanilang school principals, ang mga junior police force ay agad na itatalaga ang mga ito at isasailalim sa pamamahala at pangangalaga ng mga local executives.

Ang mga miyembro ng national junior police force na magkakapagsilbi ng apat na taon ay maaari nang makapasok sa regular police force nang hindi na dumadaan sa written examinations.

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Lopez, ang bawat pulis ay nagsisilbi sa 1000 mamamayan at ang ratio na ito ay labis na mahirap para sa kapulisan kaya kung mahihikayat umanong tumulong ang mga kabataan ay malaking tulong ito sa bayan.