Iminungkahi ni Capiz Rep Jane Castro na pansamantalang gamitin ang mga piloto sa military upang maiwasang maantala ang operasyon sa Philippine Airlines at mabawasan ang epekto sa mga mananakay ng Philippine Airlines (PAL).
Sinabi ni Castro na malaki na ang epekto sa mga biyahero at sa turismo ng bansa ay naaapektuhan dahil sa pag-alis ng mga piloto ng PAL ngunit dapat pa rin umanong tingnan ang sitwasyon sa military kung makakaapekto ba ang pagtulong ng mga military pilots upang hindi naman maantala ang operasyon nito.
Naniniwala si Castro na wala nang makakapilit pa sa mga nagbitiw na mga piloto na bumalik dahil hindi na sila masaya sa natatanggap nilang sweldo mula sa PAL.
Ayon pa kay Castro, dapat munang bigyan ng solusyon ang pangunahing problema na magkaroon ng mga pilotong maaaring magpalipad ng mga eroplano ng PAL para mabawasan ang epekto sa ekonomiya ng bansa, sa turismo at higit sa lahat, sa mga pasahero.
Ang pagbibitiw ng mga piloto umano ay naging sanhi upang maparalisa ang operasyon ng PAL at maraming pasahero ang naantala ang biyahe at ang pinaka-solusyon dito ay pansamantalang hiramin at gamitin ang mga military pilot ng bansa.
Samantala, upang maiwasan ang exodus ng mga piloto, nanawagan si Castro sa mga namamahala sa PAL na gumawa ng paraan at gawin ang lahat ng mga ito upang maayos ang gusot sa pagitan ng mga empleyado nito lalo na sa usapin ng suweldo.