Dumarami ang bilang ng mga mambabatas na di pumapabor sa mungkahi ng Department of Education (DepEd) na pahabain ng dalawang taon pa ang basic education.
Ipinahayag ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito na lalong bababa ang porsiyento ng mga hindi makapagtapos ng pag-aaral kahit elementarya at high school kung itutuloy ang layunin ng DepEd na palawigin ang basic education sa bansa.
Sinabi ni Ejerciton na hindi siya pabor sa panukala dahil masyado na umanong malaki ang bilang ng mga kabataang hindi makapagtapos ng pag-aaral kahit sa basic education pa lamang at papaano pa kung madagdagdagan umano ito ng dalawang taon, mas lalu lang daw itong dadami.
Kinuwestiyon naman ni South Cotabato Rep Daisy Fuentes ang pahayag ni DepEd Secretary Armin Luistro na hindi magiging dagdag pasanin daw para sa mga magulang ang panukalang ito.
Paano niya umanong nasabi iyon, e ang mga estudyante, kailangang bigyan ng perang pamasahe at pabaon, pambili ng libro at mga gamit sa eskwela?
Para kay Fuentes mas dapat pagtuunan ng DepEd ang pagresolba sa mga problemang tulad ng kakulangan sa mga guro, silid-aralan, aklat at pasilidad na kailanagan upang maging maayos ang pagtuturo at pag-aaral sa buong bansa.
Inihalimbawa rin ni Fuentes ang programang kindergarten sa mga pampublikong paaralan na sinimulan ng pamahalaan noong 2007.
Hindi umano naging matagumpay ang programa dahil hindi nagbigay ng mga guro, mga silid-aralan, pasilidad at aklat na kinakailangan para maipatupad ang programang ito at ang lokal na pamahalaan ang bumalikat ng gastusin para lamang maipatupad ang programang ito.
Ayon pa kay Fuentes, possible daw na matulad lamang sa programang kindergarten kung ipagpipilitan ng DepEd na palawigin ang basic education ngunit wala naming sapat na pondo para ito ipatupad.
Para naman kay Cebu City Rep Rachel Marguerite Del Mar, marami umanong naghihirap na pamilya ang lalong hindi makakapag paaral ng kani-kanilang mga anak kung matutuloy ang dagdag na dalawang taon sa elementarya at high school.
Ang kahirapan daw ang problema at maraming bata ang hindi na makapasok ng paaralan dahil hindi kaya ng kanilang mga magulang at sa kasalukuyan daw, marami ang halos wala nang mailaman sa kanilang sikmura kaya paano umano maaasahang maiintindihan nila ang kanilang pinag-aaralan kung kumakalam ang sikmura nila, kaya hayaan na lamang muna ang ganitong sitwasyon at ito na lang ang pagbutihin.