Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang pagpapaliban ng eleksyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakdang ganapin sa buwan ng Oktubre upang bigyang-daan ang pag-audit sa nakaraang automated national election at upang maiwasan ang epekto ng inflation na dulot ng dalawang magkasunod na halalan.
Sinabi ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte, may-akda nh HB00062, na nagtatakda ng halalan sa Mayo 2011, samantalang inihain naman ni Minority Leader Edcel Lagman ang HB00104 na naglilipat ng petsa ng halalan sa huling Lunes ng Oktubre 2012.
Ayon kay Villafuerte, pagtutuunan umano ng pamahalaan ang pag-audit ng nakaraang automated elections at busisiin ang mga naging suliranin, pagkakamali at kakulangan na kinuwestyon at
tinuligsa ng iba’t ibang sektor, at maiwasto ito para sa mga susunod pang halalan.
Sa ilalim naman ng panukala ni Lagman, muling bubuhayin nito ang limang-taong termino ng mga opisyales ng barangay, na pabor aniya para sa mahabang pagsasanay sa lokal na pamamahala at maiiwasan na rin ang matinding tunggalian at away maging sa mga magkaka-pamilya dulot ng eleksyon..
Ayon kay Lagman, mababawasan na umano ang madalas na halalan at makakatipid ang pamahalaan ng halagang P3B na inilaan sa barangay election sa ilalim ng 2010 General Appropriations Act na maaaring ilaan sa basic socio-economic services, pag pondo sa inamiyendahang agrarian reform program na kapos sa pondo at rehabilitasyon ng iba’t ibang proyekto ng pamahalaan.