Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang pagtatatag ng isang ahensya na mangangasiwa sa pag-aalaga ng mga kabayo na ginagamit sa karera.
Sa ilalim ng HB00224 na inihain ni ni Manila Rep Amado Bagatsing, sinabi nito na ang karera ng kabayo ay isa na ngayon sa pandaigdigang larangan kaya’t ang lahat ng aspeto hinggil dito ay dapat lamang na mapasailalim sa pangangalaga ng isang ahensya na titiyak sa pagmamantine ng propesyonalismo ng larangan, kalidad ng pangangalaga, operasyon at paglilisensya sa lahat ng kawani sa larangan, at ang mapagkakatiwalaang operasyon ng tayaan sa karera ng kabayo.
Tatawaging Charter of the Philippine Thoroughbred Horseracing Authority, ang panukala ay may layuning tiyakin ang pagtatatag ng ahensya na magsusulong ng isang mahusay, mapagkakatiwalaan at isang tapat na paglilingkod sa industriya upang mapanatili ang pagtitiwala ng publiko at maseguro ang kaunlaran, at pagbubukas ng bagong oportunidad sa trabaho at iba pang kabuhayan para sa mamamayan.
Ang ahensya ay itatatag sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo na siya namang bubuwag sa Philippine Racing Commission na itinatag sa ilalim ng PD No.420.