Monday, July 12, 2010

Pagtatag ng dalawang magkahiwalay na peace panels, inayunan sa Kamara

Ang pagkakatatag ng dalawang peace panels ng pamahalaang Aquino na aatasang magkahiwalay na magni-negotiate sa Moro Islamic Liberation Front at sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa pagnanais na makipag-kasundo sa mga grupong ito ay isang magandang desisyon ng bagong administrasyon.

Sinabi ni Maguindanao Rep Simeon Datumanong, tama lamang na magtatag ng dalawang kupunan ang gobyerno upang magkaroon ito ng hiwalay na pag-uusap sa MILF at sa CPP-NPA-NDF at makapag-trabaho ang mga ito ng hiwalay ngunit sabay-sabay.

Ayon kay Datumanong, sa pagbuo ng mga peace panel sa isyung usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF, marapat lamang umano na isama ang kinatawan ng mga apektadong komunidad at mga local government unit, kasama na ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), para maiwasan ang mga alegasyon na ni wala man lamang kosultasyon at pag-uusap sa mga stakeholder.

Sa panig naman ni Bayan Muna Party-list Rep Teddy Casino, umaasa siyang ihirang ni Pangulong Aquino ang mga miyembro sa panel na kapani-paniwala at katanggap-tanggap sa ibang panig at karamihan sa mga stakeholder.

Nauna rito, sinabi ni Malacanang Palace Spokesman Edwin Lacierda na nagpasya na sina Pangulong Aquino at Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na magtatag ng dalawang kupunan, isa ang makikipag-ugnayan sa CCP-NPA-NDF at ang isa naman ay sa MILF at ang bawat grupo ay magkakaroon ng tig-lilimang kasapi, ngunit si Deles ay hindi kabilang sa negotiating panel dahil siya ang mag-oversee ang buong progression ng dalawang grupo.