Hinikayat ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara ang mga ahensyang pamahalaan na bumuo ng isang task force na tutugon sa mga suliraning may kaugnayan sa pamamaslang sa mga kagawad ng pamamahayag sa bansa.
Sinabi ni Angara na nararapat lamang na magtatag ang Department of Justice (DoJ)at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng task force upang matugunan ang hindi napipigilang mga pamamaslang ng mga media practitioner habang kanyang kinondina ang pagpatay sa pinaka-unang media worker sa loob ng kasalukuyang administrasyon noong nakaraang ika-3 ng Hulyo na si Jose Daguio.
Ayon kay Angara, ang iminungkahi niyang task force ay magkakaroon ng mga kinatawang manggagaling sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Commission on Human Rights (CHR) at ng mga media organization.
Idinagdag pa ni Angara na dapat nang tuldukan ang mga media killing, arestuhin at usigin ang mga killer para mabigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima at tanging ang pananatili lamang ng mga law enforcement at mga pulis ang pinakamabisang solusyon sa naturang problema.
Napapanahon na umano na magkakaroon ng long term solution para mahadlangan na ang pag-ibayo ng mga media killing sa hinaharap na mga panahon.
Matatandaang iniulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na mahigit sa 103 mga media men ang pinatay sa ilalim ng Arroyo administration.