Maaari nang lumahok ang ordinaryong mamamayan kagaya ng mga magsasaka, manggagawa, mangangalakal, guro, traysikel at dyipne drayber, estudyante basurero at mga propesyunal sa pag-apruba ng pambansang budyet at sa proseso ng pagsasabatas sa ilalim ng panukalang inihain sa Mababang Kapulungan.
Sinabi ni Quezon Rep Lorenzo Tanada III, may-akda ng HB00219, na ang kanyang panukala ay magtatatag ng people’s participation sa mga deliberasyon ng badyet sa nasyunal, panglalawigan, pambayan at pambarangay na antas.
Ayon kay Tanada, ang layunin umano ng kanyang panukala ay bilang pagtanaw sa karapatan ng mga mamamayang makilahok sa pag-desisyon sa lahat ng antas na panlipunan, pulitikal at pang-ekonomiya na hindi na kailangang pang bale-walain ang kapasidad ng mga nahalal na mga representante sa pagsasabatas.
Noong nakaraang 14th Congress, nagpasa umano sila, ayon pa sa kanya, ng HR00120 na nagtakdang payagan ang mga non-governmental organizations (NGOs) at mga people's organization na lumahok sa deliberasyon ng panukalang pambansang badyet at iba pang mga panukala.
Itinakda ng 1987 Constitution na ang mga people’s organization ay ituturing bilang bona fide associations ng mga mamamayan na nagpapahayag ng kanilang kakayahang ipagpaibayo ang kanilang interes na mayroong payak na mga lider, miyembro at estruktura ng kanilang kupunan.