Inilatag na ng dalawang dating mga artista na naging mambabatas ang kanilang mga legislative agenda para sa 15th Congress sa pamamagitan ng pag-draft ng kanilang mga pet bill na may kaugnayan sa environment, women, children, tourism at agrikultura.
Sinabi ni Cavite Rep Lani Mercado Revilla na nangunguna sa listahan ng kanyang mga pet bill ay ang cityhood ng bayan ng Bacoor upang tuparin ang kanyang ipinangako sa kampanya bagamat ang kanyang concern at adbokasiya ay tutuon sa mga isyung pangkalikasan at proteksiyon para sa mga kababaihan at mga kabataan.
Ayon kay Revilla, maghahain din umano siya ng panukala na magtatatag ng disaster and rescue groups para tutugon sa mga kalamidad kagaya ng pagbaha at pananalasa ng El Nino; magtatatag ng isang open high school para sa mga out-of-school youth.
Si Revilla na nanalo bilang kongresista sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nanawagan sa susunod na ruling party sa Mababang Kapulungan na kung maaari ay itrato naman ng parehas ang mga neophyte at iba pang mga mambabatas na kasapi ng opposision party.
Sinabi naman ni Leyte Rep Lucy Torres Gomez na ang kanyang kagyat na pagtutuonan ng pansin ay ang pagbababa ng bayad sa kuryente sa kanyang distrito dahil karamihan naman umano sa mga geothermal plant sa bansa ay matatagpuan sa kanyang lalawigan.
Mariing tinutulan ni Gomez ang pagsasapribado ng mga electric cooperative sa buong bansa ng kanyang sinabi na magiging dahilan umano ito sa pagtataas ng electricity rates.
Sinabi ni Gomez na kabilang din sa kanyang adbokasiya ang agriculture, tourism, welfare of women and children.