Wednesday, July 07, 2010

Mediamen, aarmasan

Sinuportahan ng mga mamababatas sa Kamara de Representantes ang panukalang payagan na ang mga lehitimong kagawad ng media, mga mamamahayag, na magdala ng baril para sa kanilang sariling proteksyon.

Ito ay bunsod na rin sa sunod-sunod na mga insidenteng pagmamaslang sa iilang mga kagawad at mga miyembro ng pamamahayag sa ating bansa

Batay sa Center for Media Freedom and Responsibility, umabot sa 103 mga media practitioner ang pinaslang sa panahon ng administrasyong Arroyo at sa iilang araw pa lamang sa panunungkulan ang administrasyong Aquino, binaril at napatay na naman si Jose Daguio, 72, dating anchorman ng Radio Natin-Kalinga sa pamamagitan ng shotgun sa loob ng kanyang bahay sa barangay Tagu.

Sinabi ni Quezon Rep Lorenzo Tanada III na kailangan nang maglunsad ang Department of Justice ng malawakang kampanya upang ma-aresto at kasuhan ang mga salarin para matigil na ang pagpatay sa mga kagawad ng media.

Ayon kay Tanada, kung pinayagan ng pulisya na magdala ng baril ang mga negosyante, dapat din umanong payagan ng pulisya ang mga kagawad ng media dahil nahaharap din sila sa seryosong sitwasyon.

Iminungkahi naman ni Laguna Rep Dan Fernandez na ang responsableng kagawad lamang ng media ang dapat payagan na magdala ng baril makaraan silang sumailalim sa pagsasanay at mag-comply sa lahat ng mga requirement nito.

Sa panig naman ni Buhay Partylist Rep Irwin Tieng, sinabi niya na dapat sumailalim sa wastong pagsasanay ang mga kagawad ng media na ipapatupad naman ng Philippine National Police bago sila payagang magdala ng baril.