Tuesday, July 20, 2010

Malilinis pangalan ni GMA dahil sa Truth Commission: Lakas solons

Naniniwala si Maguindanao Rep Simeon Datumanong na malilinis ang pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay kinatawan ng Pampanga, sa kabi-kabilang ibinibintang ditong katiwalian sa oras na lumalabas na ang resulta ng imbestigasyon ng Truth Commission.

Sinabi ni Datumanong na kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ang pagbubuo ng Truth Commission dahil marami na namang insitusyon ng pamahalaan na maaaring magsagawa ng ganuong tungkulin.

Ayon sa kanya, hindi umano niya nakikita ang pangangailangang bumuo pa ng isang Truth Commission dahil naririyan din naman umano ang Ombudsman at ang Department of Justice na maaaring magsagawa ng imbestigasyon.

Naniniwala rin si Quezon Rep Danilo Suarez na maipagtatanggol at malilinis ni Arroyo ang kanyang pangalan kahit na saan mang legal na paraan.

Sinabi ni Suarez na hindi umano gumawa at walang ginawang mali ang dating pangulo nang siya pa ay nanunungkulan bilang pangulo ng bansa at nagsilbi mano siya ng tapat at buong puso sa mamamayan at sa bansa.

Ayon naman kay Agusan del Norte Rep Jose Aquino II, kapag natapos na ang gagawing imbestigasyon ng Truth Commission ay lalabas ang buong katotohanan at malilinis na nang tuluyan ang pangalan ng dating pangulo laban sa mga paninirang ginagawa ng kanyang mga kalaban sa pulitika dahil ang lahat ay puro alegasyon lamang at walang sapat na katibayan upang patunayan ang kanilang bintang.

Pawang paninira lamang umano ang mga ito at ang layunin lamang ay masira ang kredibilidad ni Arroyo sa mata ng mga tao at upang mawalan daw ng saysay ang lahat ng mga mga magagandang naiambag at nagawa ng kanyang administrasyon, ayon pa kay Aquino.

Makailang ulit na ring itinanggi ni Arroyo ang mga ibinibintang sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika partikular na ang umano'y graft and corruption sa isyu ng NBN-ZTE deal, Hello Garci election fraud at ang fertilizer fund scam.

Kamakailan lamang ay nagbuo ng isang Truth Commission si Pangulong Benigno C. Aquino na pamumunuan ni dating Supreme Court chief justice Hilario Davide Jr.