Tuesday, July 27, 2010

Dating PAGCOR chairman Genuino, iimbestigahan

Hinamon ngayon ng isang mambabatas ang mga bagong opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na imbestigahan nito si dating chairman Efraim Genuino, na posible umanong may kinalaman sa ilang kwestiyunableng transaksiyon sa loob ng ahensiya.

Sinabi ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito na dapat umanong mabusisi ang kabuhayan ni chairman Genuino at ng mga taong malalapit na sa kanya. Kailangang magsagawa ng malalimang auditing sa PAGCOR sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Ejercito, malaki daw ang maitutulong ng imbestigasyon kay Genuino sa adhikain ng Administrasyong Aquino na labanan ang korapsiyon, lalo na makaraang mabunyag ang umano’y P21-M na halaga ng burgers at chicken.

Ang paghabol sa mga tauhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nasasangkot sa mga umano’y kuwestiyunableng transaksiyon ay isang mahalagang hakbang upang tuluyang putulin ang korapsiyon sa ahensiyang nabanggit, ayon pa kay Ejercito.

Nagpahayag din ng suporta si Ejercito sa panukala ni Pangulong Aquino na gawing pribado ang PAGCOR.

Ayon sa mambabatas ang pagsasapribado ng PAGCOR ay makakatulong pa upang mabawasan ang alalahanin ng pamahalaan. Posibleng mawala na ng tuluyan ang korapsiyon sa ahensiya, at ang kinikita nito ay maaaring makatulong upang makapuno sa mga pagkukulang na nagawa ng nakaraang administrasyon.

Malilimitahan na rin umano ang pagmamanipula ng gambling agency laban sa mga kalaban nito.