Ang lahat na mga nauugnay sa pagpapalawig at pagprotekta ng mga watershed na nagsu-suplay ng tubig sa mga dam lalu na sa mga hydroelectric power generating facility sa buong bansa ay mabibigyan na ng sentibong pinansiyal sa sandaling maipasa ang panukalang itinulak ngayon sa Mababang Kapulungan.
Sa HB01428 na inihain ni Ifugao Rep Teddy Brawner Baguilat, layunin nito na i-redefine at i-extend ang compensation program ng pamahalaan para mabigyang pansin ang malaking itinutulong ng mga pamahalaang local o rehiyon kung saan ang mga watershed ay natutukoy at nakakatulong sa rural electrification program ng gobyerno.
Sinabi ni Baguilat na ang compensation system sa naturang usapin na nakasaad sa kasalukuyang mga pinaiiral na batas ay iginagawad lamang umano sa mga host community kung saan ang hydroelectric power generating facility naitatag kung kaya’t hindi masyadong naipapagibayo ang kooperasyon sa mga kasapi ng host community.
Sa sandaling maging na batas ang nabanggit na panukala, kasama na sa compensation system ang mga barangay, bayan, lalawigan o rehiyon na nagsasagawa ng pagmimintina at proteksiyon sa mga watershed na nagsu-suplay ng tubig sa dam.