Tuesday, July 13, 2010

Cha-cha resolution ni GMA, sinuportahan ng iilang mga mambabatas

Nagpahayag ng suporta ang iilang mga mambabatas sa panukala ni Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo na may layuning magdaos ng constitutional convention upang maamiyendahan ang 1987 Constitution.

Sinabi ni Quezon Rep Danilo Suarez na suportahan niya ang naturang panukala dahil mula’t mula pa naman umano ay pabor na siyang baguhin ang iilang mga probisyon sa Saligang Batas lalo na yaong mga hindi na angkop sa kasalukuyang sitwasyon.

Ayon naman kay Maguindanao Rep Simeon Datumanong, matagal na siyang nagsusulong at pumapabor sa pagbabago ng Konstitusyon dahil marami umanong mga probisyon dito na magulo at nakakalito.

Maging si Cavite Rep Elpidio Barzaga ay nagpahayag din ng pagsuporta sa resolusyon ni Macapagal-Arroyo at nagsabing maging siya man ay magsusumite rin ng panukala hinggil sa pagbabago ng Konstitusyon.

Sa pagsusumiti ni Macapagal-Arroyo ng HR00008, sinabi nito na ang kanyang panukala ay hindi magiging sanhi ng pagkakaroon ng pagkakahati ng Kamara dahil ito ay pag-uusapan naman ng bukas sa publiko at sa malayang pamamaraan.