Pinuri ni Tarlac Rep Susan Yap ang naging desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III na ituloy ang pagbibigay ng pera sa mga mahihirap na pamilya upang makaagapay sa mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Yap na nagsumite na rin siya ng panukala, ang HB00081 na naglalayong itatag ang cash subsidy program ng pamahalaan upang makatulong sa kahirapang nararanasan ng maraming pamilya sa bansa.
Ayon pa sa kanya, layunin ng panukala niya na itatag ang National Conditional Fund Transfer Program na siyang magpapatibay ng programa upang masiguro ang mapagkukunan ng pondo na siyang gagamitin sa pagsasaayos at pagtulong sa mga mahihirap na pamilya sa bansa, particular na sa mga batang may idad 0 hanggang 14 at mga mga babaeng nagdadantao.
Batay sa talaan, nitong Marso 2010 ay t mayroong 956,000 na pamilya ang nakatanggap ng buwanang cash grants mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kikilalanin ang panukala bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act of 2010, na siyang magbibigay ng P500 kada buwan bawat bahay o pamilya para sa gamot o pangkalusugan at pagkain, at P3,000 kada taon bawat bata para pantulong sa pag-aaral ng mga bata na labis na naghihirap.
Batay sa panukala, maglalaan ng P15 bilyon kada taon para sa programa upang maging tuloy-tuloy na matulungan ang bawat naghihirap na pamilya ng bansa.