Ipinahayag kahapon ni House Speaker Prospero Nograles na ang freedom of information (FOI) bill ay kabilang sa mga tatalakayin ng Kamara de Represantantes bago magtapos ang last regular session ng Kongreso o ang tinatawag na adjournment sine die.
Ginawa ni Nograles ang pahayag habang nagsasagawa ang congressional joint committee na nagka-canvass ng mga boto para sa pangulo at pangalawang pangulo na inaasahang makapag-deklara na ng mga nananalo noong nakaraang eleksiyon.
Sinabi ng lider ng kamara na kanilang umanong tatalakayin ang nabanggit na panukala habang kanyang sineguro na hindi umano siya tutol sa FOI dahil kung siya naman ay tutol dito, hindi na marahil humantong ang panukala sa gatinong kasalukuyang kinalalagyan nito.
Ayon sa kanya, hindi umano niya maintindihan ang mga nagsusulong sa panukala kung bakit inaatake nila ang mga mambabatas, partikular ang Kamara, samantalang ito naman ay hindi na sana makarating sa pinaka-huling hakbang ng pagsasabatas.
Sa sandaling ito ay maratipikahan na ng Kamara, ang panukala ay ipapadala kaagad sa Pangulo upang ito ay lagdaan o dili kaya ay mag-lapse into law na lamang ito matapos ang tatlumpong araw na taning matapos tanggapin ito ng office of the president.