Nakatakdang puntahan ng mga mambabatas ang warehouse ng Smartmatic, Inc. sa Cabuyao, Laguna sa darating Lunes, ika-31 ng Mayo 2010 upang isagawa ang post-election briefing hinggil sa precinct count optical scan (PCOS) machines at mga compact flash card para malaman ang katutuhanan tungkol sa mga reklamo na nagkaroon ng dayaan nitong nakaraang May 10 national elections.
Sinabi ni Makati Rep Teddy Boy Locsin, tagapamuno ng committee na nagsasagawa ng pagdinig sa Kamara de Representantes, na ang mga miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at iba pang mga mambabatas na interesado ay maaaring sumama sa kanilang biyahe patungo sa naturang warehouse kung saan inimbak at sinubukan ang may 76,000 PCOS machines.
Bago nai-deploy ang nabanggit na mga makina sa bawat polling place, isinagawa na ng Commission on Elections (COMELEC) at ng automation partner nito na Smartmatic-TIM ang pag-configure ng mga equipment upang maseguro na ang mga ito ay gumagana para sa partikular na presinto at partikular din na set ng mga balota.
Itinakdang ibalik ang mga makina sa naturang warehouse batay sa poll automation law sa panahong matapos na ang eleksiyon.