Tuesday, May 04, 2010

Kamara, handa na para sa gaganaping canvass of votes

Sinabi ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na gagampanan ng Kongreso ang iminamando ng Saligang Batas na gaganap bilang National Board of Canvassers para sa Presiential at Vice Presidential poll count.

Ayon pa kay Nograles, hindi maaring mabigo sila dahil ang buong mundo ay nakamasid sa halalang gaganapin sa Mayo a-diyes habang kanyang sineguro na ang Senado at ang Mababang Kapulungan ay malalim na nag-uugnayan sa paghahanda para sa national canvass.

Kaugnay dito, nanawagan si Nograles sa mga mamamayang Filipino na ipagpapatuloy lamang nila ang kanilang pagmamatyag laban sa mga nagnanais na baligtarin ang kapasyahan ng taumbayan.

Ayon sa kanya, dapat umanong mangibabaw ang pasya ng mga mamamayan sa darating na eleksiyon at ang gaganaping makasaysayang automated polls ay magpapatunay na ito ay posibleng nagaganap at dapat lamang umanong magtiwala tayo sa Panginoon at sa ating mga sarili bilang mga mamamayan.

Kaugnay dito, inatasan ni Nograles si House Secretary General Marilyn Barua-Yap na pamunuan ang House Special Task Force on Canvassing na agad namang nagbuo ng grupo para magsagawa ng serye ng consultative meetings, sa pakikipag-ugnayan sa Senado na pinamumunuan naman ni Senate Secretary Emma Lirio Reyes.

Sinabi ni Secretary General Yap, nagkasundo na sila na ipanukala sa joint session ng Kongreso ang mga opsiyon hinggil sa rules of canvass na maaari nilang gamitin para maseguro ang episiyente, transparent at credible canvass of votes.

Ayon sa kanya, inatasan niya ang lahat na mga opisyal at empleyado ng Kamara na gampanan ang kanilang mga tungkulin para dito sa makasaysayang kaganapan para hindi mabigo ang ating mga mamamayan at dahil dito, nakipag-ugnayan na rin umano sila sa Commission of Elections (COMELEC) at sa mga representative ng SmartMatic para sa bawat posibleng detalye at scenario sa gaganaping canvass of votes.